This post has been de-listed
It is no longer included in search results and normal feeds (front page, hot posts, subreddit posts, etc). It remains visible only via the author's post history.
Sa larawan mong nakangiti mababakas ang ligaya. Sa dami ng mga hamon at dagok na iyong hinarap, biyaya ang aliwalas sa'yong mukha. Nakamamangha. Bagay pala sa'yo ang masaya. Parang nasilayan kita mula sa ibang anggulo. Parang nakita kita sa unang pagkakataon. Nakakahumaling palang pagmasdan na sinasalamin din ng iyong mga mata ang kasiyahang tinatamasa. Sa tagal ng panahon, ito ang unang pagkakataong naramdaman kong mahal kita. Yung pagmamahal na tahimik pero yumanig sa aking pagkatao. Yung pagmamahal na sobrang lalim gustong kumawala bilang mga luha. Ibang klaseng mahika ang matantong mahal kita. Mahal kita. Mahal kita dahil ang gwapo mo. Mapungay ang mga mata. Matangos ang ilong. Matalino. Responsable. May pangarap sa buhay. Maasahan sa trabaho. Maayos at madaling kausap. Mahal kita dahil sa mga naabot at maabot mo pa. At balang araw, alam kong mamahalin kita nang walang rason o kondisyon bagkus ay sa simpleng katotohanang kamahal-mahal ka. Hindi ka perpekto at hindi na mabilang ang iyong mga bubog, pero hindi mo iyon kabawasan. Hindi man kita naprotektahan sa mga sakit noon at sa mga mararanasan mo pa, dadating at dadating ang panahong maghihilom ka rin nang tuluyan. At gusto kong mabanaag mong, sa lahat ng panahon at pagkakataon, ka-mahal-mahal ka. Karapat-dapat kang mahalin sa kabila ng siphayo sa iyong isip. Hindi mo kailangang maging perpekto o patunayan ang iyong sarili para mahalin. Pero sa ngayon, ito ang aking simula.
Subreddit
Post Details
- Posted
- 1 year ago
- Reddit URL
- View post on reddit.com
- External URL
- reddit.com/r/Kwaderno/co...